
Literatura
Your New Book Supplier
KABANATA 1
ANG PANAGINIP
“Megan aking kaibigan. Diba nangako ako na palagi tayong magkakasama at walang iwanan? Patawad. Patawad kasi mukhang hindi na matutupad ang pangakong iyon dahil pupunta kami ng pamilya ko patungong ibang bansa. Heto, tanggapin mo ang kwintas na aking ibibigay sa iyo. Ito ang simbolo ng ating pagkakaibigan. Ingatan mo sana iyan. Sana maintindihan mo..” Ring!!! Nagising si Megan sa ingay ng kanyang alarm clock at napagtanto niya na siya’y may napanaginipan kung saan may naririnig siyang isang boses na humihingi ng tawad sa hindi pagtupad ng pangako nito at ang pagbigay taong iyon ng isang kwintas sa kanya. Pamilyar kay Megan ang boses na iyon pero hindi niya matandaan kung sino.
KABANATA 2
ANG PAGTATAKA NI MEGAN
Habang papunta ng opisina si Megan, may nakabangga sa kanya na isang babae sa daan. Ang babaeng iyon ay kulot ang buhok, pango ang ilong at hindi gaanong kaakit-akit. Nang nakita ni Megan ang kanyang itsura, tumawa ito ng kaunti at tiningnan niya siya mula ulo hanggang paa. Humingi ng tawad ang taong nakabangga kay Megan. Nagulat si Megan dahil hindi niya inaakala na hihingi siya ng tawad sapagkat ang aura ng kanyang mukha ay parang galit. Pinatawad siya ni Megan at pagkatapos umalis na ito. Takang-taka si Megan dahil parang kilala niya ang taong iyon at pamilyar ang kanyang boses. Nang umalis na patungong opisina si Megan, bumalik ang taong nakabangga kay Megan sa lugar kung saan sila nagkabangga at sinabing: “Nagbago na siya. Naaalala pa kaya niya ako?”
KABANATA 3
ALAALA
Nang umuwi na si Megan galing opisina, hindi siya mapakali dahil hanggang ngayon hindi niya makalimutan ang pangyayaring naganap kanina, bago siya pumasok sa opisina. Naiisip niya na kilala niya ang taong nakabangga sa kanya kanina pero hindi niya matandaan kung sino dahil pakiramdam niya isa yun sa mga tao sa kanyang nakaraan kung saan tinalikuran at kinalimutan na niya ang mga pangyayaring naganap noon dahil sa sakit na kanyang nadama dulot ng mga hindi magandang pangyayari. Natulog na lamang si Megan dahil ayaw na niyang alalahanin pa ang mga pangyayari sa kanyang nakaraan
KABANATA 4
CLAIRE
Sabado na at humingi ng day-off si Megan mulas sa kanyang boss. Pumunta siya ng pamilihan upang mamili ng mga bagay na kanyang kailangan sa bahay. Habang siya’y namimili, nakita niya muli ang taong nakabangga sa kanya noong isang araw. Balak niya siyang lapitan ngunit umayaw din sapagkat ayaw niya na isipin ng ibang tao na sila’y magkaibigan dahil naiiba ang itsura nung taong iyon sa kanya – si Megan ay sobrang ganda, mahaba at diretso ang buhok.
Nang pauwi na si Megan, nakita niya nanaman ang taong iyon. Pero may kasama na iyon at nung tinawag siya ng taong kasama niya, tinawag siyang Claire. Napahinto si Megan at sinabi sa sarili na: “Claire pala ang pangalan niya.”
KABANATA 5
NAKARAAN SA PANAGINIP
“Sana maintindihan mo ku-“ “Tama na Claire!! Aanhin ko tong kwintas kung wala ka naman sa tabi ko!? Akala ko ba hindi mo ako iiwanan? Na palagi kang nasa tabi ko!? Nasaan na ang mga salitang iyong pinangako?” “Megan, patawarin mo sana ako pero wa- “ Tama na!! Ayoko nang marinig ang mga sasabihin mo Claire!! Umalis ka na sa harapan ko! “Pero Megan-“ Ngayon na!! Umalis ka na dito!! Riiingg!! Nagising nanamang muli si Megan dahil sa ingay ng kanyang alarm clock. Nang siya’y nagising, naramdaman niya na may mga luhang tumutulo mula sa kanyang mga mata. Hindi niya malaman kung ano ang dahilan ng kanyang pagluha hanggang sa napagtanto niya, napahinto, at sinabing: “Claire? Bakit parang may napanaginipan ata akong isang pangyayari kasama ang pangalan ng taong ito?” napahinto si Megan at biglang sinabi ang: “Claire……kung hindi ako nagkakamali siya ang matalik kong kaibigan na umalis patungong ibang bansa at iniwan ako noong labindalawang taon na ang nakalilipas. Ibig sabihin ang aking panaginip ay tungkol sa aking nakaraan? Na aking kinalimutan dahil sa sakit na aking nadama? Claire..teka, parang narinig ko na ang pangalang ito. Hindi kaya...yung Claire na nakabangga ko noong nakaraang araw at si Claire na aking kaibigan ay iisa? Hindi. Hindi maari. Yung Claire na na nakabangga ko noon iba ang itsura sa Claire na kaibigan ko. Imposible. Imposible na siya yun. Wala akong kaibigan na ganun ang itsura.” Pinunasan na ni Megan ang mga luhang tumutulo at nag-ayos na ng sarili upang pumasok sa trabaho.
KABANATA 6
ANG PANGHUHUSGA
Habang naglalakad si Claire, nakita niya si Megan na naglalakad patungo sa kanyang direksiyon kung saan siya naglalakad. Pinuntahan niya ito para kausapin pero pinigilan siya ni Megan at sinabing: “Teka lang, pakiusap huwag mo akong lapitan lalo na kapag tayo ay nasa pampublikong lugar. Sa totoo lang, ayokong isipin ng iba na tayo ay magkaibigan. Pasensya na, pero kasi iba ang itsura mo sa itsura ko. Sana maintindihan mo.” Nagulat si Claire sa sinabi ni Megan sa kanya. “Hindi mo na ba ako namumukhaan? Hindi mo naba ako kilala? Yung kwintas na ibinigay ko sayo, iningatan mo ba? Alam ko na iniwanan kita ng ilang taon at may dahilan iyon. Kahit na ayaw kitang iwan noon, wala akong magagawa sapagkat kailangan ng pamilya namin na pumunta patungong ibang bansa dahil may kailangan kaming asikasuhin at kapag tinalikuran namin iyon, magkakaroon ng malaking problema. Alam kong nangako ako na hindi kita iiwan pero hindi ko natupad ang pangakong iyon. Patawarin mo sana ako. Hindi ko man yun ginusto, wala talaga akong magagawa.” Gulong-gulo si Megan sa mga salitang sinabi ni Claire dahil isa sa pinaka-ayaw niyang pag-usapan ay ang mga pangyayari na nangyari sa kanyang nakaraan. Hindi naniniwala si Megan sa mga sinabi niya. “Sinungaling ka! Hindi ikaw si Claire! Bakit alam mo ang mga bagay na iyan? Siguro pina background check mo ako no? Ang lakas naman ng loob mong gawin iyon.” “Megan, maniwala ka. Ako talaga si Claire, ang iyong matalik na kaibigan.” “Ikaw? Kaibigan ko? Imposible. Wala akong kaibigan na panget. Siguro nagpapanggap ka lang na mabait para purihin ka ng mga tao. Pwede ba hindi mo mabibilog ang utak ko!!” Gulat na gulat talaga si Claire sa pagbabago na nangyari kay Megan. Hindi na niya maisip kung ano ang gagawin niya upang maniwala siya sa kanya. Napaluha na lamang siya dahil nasaktan ang kanyang damdamin sa mga binitawang salita ni Megan. “O ano? Umiiyak ka? Totoo naman yung mga sinabi ko ah! Kaya kung pwede lang huwag mo na akong lalapitang muli at huwag na huwag mo nang babanggitin pa ang ilang mga pangyayari sa aking nakaraan. Huwag kang manghimasok sa buhay ko dahil hindi naman kita kaano-ano at kilala. Kaya pakiusap, ayaw na kitang makita pang muli. Hindi lang dahil sa panghihimasok mo sa buhay ko kundi dahil ayoko nang makita pa ang iyong hindi kagandahang itsura. Pakiusap.” Umalis na si Megan at iniwan si Claire na umiiyak. “Patawarin mo ako Megan. Patawad.”
KABANATA 7
KWINTAS
Tinititigan ni Megan ang kwintas na ibinigay sa kanya ni Claire. “Bakit ganun? Nung makita ko yung babaeng nagngangalan din na Claire na umiyak, pakiramdam ko nagsasabi siya ng totoo. Hindi. Hindi siya yun. Wala siyang pruweba. Kahit na alam niya ang mga nangyari sa pagitan namin ni Claire noon, maaring pina background check niya lang ako. Kaya, hindi siya yun. Ang kwintas na ito, matagal ko na tong gustong itapon pero hindi ko magawa. Hindi kaya kahit na ayoko nang makita pang muli si Claire, may parte pa rin sa puso ko na gusto ko siyang makita at patawarin? Pero,iniwan niya din ako. Pare-pareho lang silang lahat kaya ayoko na.”
KABANATA 8
IMPORMASYON
Dahil sa sobrang lungkot ni Claire, nilapitan siya ng isa sa kanyang mga kaibigan at kinausap. Ikinuwento niya ang mga pag-uusap na nangyari sa pagitan nila ni Megan noong isang araw sa kanyang kaibigan. “Grabe naman Claire! Bakit tila napakalaki ng pinagbago ni Megan? Tahimik lang si Claire. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin. “Pero Claire, alam mo ba ang nangyari kay Megan nung ika’y patungong ibang bansa?” Takang-taka si Claire. “Ha? Ano ang ibig mong sabihin? Ang pagkakaalam ko nag-aaral naman siya ng mabuti atsaka wala namang gaanong problema ang dumating sa kanilang pamilya.” Napabuntong hininga na lamang ang kaibigan ni Claire. “Ibig sabihin hindi niya pala sinabi sa iyo ang mga problema o pagsubok na pinagdaanan niya. Sa totoo lang, narinig ko lang ito sa ilang kaibigan ni Megan. Nung umalis ka na patungong ibang bansa, kinabukasan naaksidente ang mga magulang niya at hindi sila nakaligtas. Naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang tiyo Kiko, ang kapatid ng nanay niya. Pero, pagkalipas ng tatlong linggo, namatay ang kanyang tiyo sa sakit. Wala na siyang ibang relatibong matatakbuhan pa dahil malayo ang lugar kung saan sila nakatira. Kaya, upang makaraos at buhayin ang sarili, naghanap siya ng part time job. Ang kanyang sweldo na natatanggap sa trabahong iyon ay sapat na sa pangbayad ng kanyang tuition. Nakaraos siya at nagkaroon ng trabaho dahil sa sipag at tiyaga. Siguro kaya niya hindi ito sinabi sa iyo dahil ayaw ka niyang mag-alala. Sa tingin ko naiintindihan ka naman niya kung bakit ka umalis kaya hindi niya to sinabi sa iyo sapagkat ayaw na niyang dagdagan ang problema mo. Atsaka kaya ka niya hinusgahan noong isang araw siguro dahil ayaw na niyang maalala pa ang nakaraan. Hindi lang iyon, medyo emosyonal na tao si Megan. Kaya sa tingin ko, binago niya ang sarili niya dahil ayaw na niyang maranasan ang sakit na kanyang nadama noon.” Napaluha na lamang si Claire nang marinig niya ang mga pagsubok na pinagdaanan ni Megan. Tumayo siya at pinasalamatan ang kanyang kaibigan na nagkuwento tungkol sa mga pinagdaanan ni Claire. Nagdesisyon si Claire na kausaping muli si Megan.
KABANATA 9
MULING PAG-UUSAP
Nagkita nanamang muli sina Claire at Megan sa daan. “Maaari ba kitang kausaping muli Megan?” sabi ni Claire. “Ano ba ang pinagsasabi mo? Diba ang sabi ko ayaw na kitang makita. Baka pag-usapan pa tayo ng mga tao.” “Oo alam ko na hindi ako kagandahang babae. Iba na ang itsura ko ngayon sa noon dahil unti-unti na akong tumatanda. Pero, kahit na ganun, kailanman, hindi kita kinalimutan. Alam ko na nasaktan kita ng husto at pinagsisisihan ko na iyon. Hindi ko inaasahang mapapatawad mo ako pero gusto ko lang sabihin na kahit na hinusgahan mo ako at sinaktan ang damdamin ko dahil hindi mo ako nakilala noong muli tayong nagkita, hindi ako galit sa iyo. Naiintindihan kita dahil alam ko kung kaano kabigat at kasakit ang mga pagsubok na pinagdaanan mong mag-isa habang wala ako sa tabi mo. Patawad Megan.” “Ikaw ba talaga si Claire? Paano mo mapapatunayan? Hindi ako maniniwala hangga’t wala kang pruweba.” Kinuha ni Claire ang kwintas mula sa kanyang bulsa at ipinakita kay Megan. “Tingnan mo itong kwintas na ito. Parehas ito sa kwintas na ibinigay ko sa iyo bago ako umalis. Naalala mo? Ito ang simbolo ng ating pagkakaibigan.” Nagin blangko ang utak ni Megan dahil nagulat siya at hindi niya na kaya pang harapin si Claire sapagkat hinusgahan niya at sinaktan ang kanyang damdamin sa pamamagitan ng hindi niya siya nakilala na siya’y si Claire, ang matalik niyang kaibigan noong nakaraang araw. Humingi ng tawad si Megan kay Claire. “Patawad Claire. Alam kong marami akong masasakit na salitang binitawan. Patawarin mo sana ako.” “Huwag kang mag-alala Megan, hindi ako galit sa iyo. Kung tutuusin ako nga itong dapat humingi ng tawad dahil iniwan kitang naghihirap dito sa mga pagsubok na iyong naranasan habang ako’y nasa ibang bansa.” “Teka Claire, paano mo iyon nalaman?” ani ni megan. “Nalaman ko ito sa isa sa mga kaibigan ko kung saan narinig niya iyon sa ilang kaibigan mo.” “Ganun ba. Pero Claire, bakit ang bait mo pa rin sa akin kahit na hinusghan at sinaktan ko ang iyong damdamin mo noong isang araw? Patawad talaga Claire. Patawad din kung hinusgahan kita agad.” “Ano ka ba Megan. Okay lang iyon. Kailnman hindi ko kayang magalit sa iyo dahil alam kong ikaw ang higit na nasaktan sa mga pangyayari lalo na nung nalaman ko na ika’y naghirap.” Napangiti na lamg si Megan at niyakap ang kaibigan. Nagkabati na sila at simula ngayon, magkakasama na silang muli.
KABANATA 10
ANG PAGTATAPOS
Pagkalipas ng limang taon. Namatay si Megan dahil sa isang matinding karamdaman. Nagluksa ang kanyang kaibigan at ang mga taong nagmamahal sa kanya. Ang higit na nasaktan sa kanyang pagpanaw ay si Claire. Pinilit ni Claire na magpakatatag para sa kanyang kaibigan dahil alam niyang hindi matutuwa si Megan kapag papabayaan ni Claire ang buhay niya dahil lamang sa pagkamatay niya. Bago umalis si Claire sa kanyang puntod may sinabi siya. “Megan, salamat sa pagiging isang kaibigan ko. Alam ko na nagkaroon tayo ng hindi pagkakaintindihan noon pero nasolusyonan natin ito. Maraming salamat sa lahat-lahat. Kung nasaan ka man ngayon, alam kong masaya ka dahil kapiling mo na ang iyong mga magulang at tiyuhin na nag-alaga sa iyo. Hanggang sa muli nating pagkikita, aking kaibigan.”
WAKAS!